Lalo pang tumindi ang buhos ng ulan sa hilagang bahagi ng Mindanao dahil sa umiiral na low pressure area o LPA. Huling namataan ang namumuong sama ng panahon sa layong 70 kilometro sa timog kanluran ng Cagayan de Oro City.
Kaugnay nito, muling inaabisuhan ang mga residente ng CARAGA Region, Zamboanga Peninsula, Eastern at Central Visayas, pati na ang Bicol Region na mag-ingat sa baha at posibleng pagguho ng lupa.
Tinatayang tatagal pa ang ganitong panahon hanggang sa kalagitnaan ng linggong kasalukuyan.
Ang nalalabing bahagi naman ng bansa ay magiging makulimlim at malaki ang tyansa ng thunderstorms lalo na mamayang hapon at gabi.
Nananatili naman ang gale warning o babala ng matataas na alon ng dagat sa northern at eastern Luzon, Visayas at Zamboanga del Norte.
Pinapayuhan ang mga gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat na iwasan ang pagpapalaot sa mga apektado ng gale warning.
Umakyat na sa 15 ang naiulat na nasawi sa nararanasang pagbaha at landslides dulot nang walang tigil na pag-ulan sa Mindanao, bunsod nang umiiral na low pressure area o LPA.
Nasa 30 pamilya ang inilikas sa Mt. Diwata Elementary School dahil sa pagtaas ng tubig habang nagpapatuloy pa ang rescue operations ng mga police personnel sa lugar.
Sa Davao Oriental, lima naman ang naiulat na nasawi dahil sa nangyaring pagguho ng lupa sa Brgy. Bangol sa bayan ng Tarragona.
Natukoy ang mga biktima na sina Misael Caballes, Ramil Legazpi, Nino Madindin, Alfredo Mosos at Roy Baron. Samantala sa Davao del Norte, mahigit 2,000 pamilya naman ang lumikas sa mas ligtas na lugar matapos umabot hanggang dibdib ang lalim ng tubig-baha.
Una na rito, pinapaalerto ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC ang mga lugar na direktang naaapektuhan ng low pressure area.
Sa ipinalabas na weather advisory ng NDRRMC, nakasaad na ang nasabing weather system ay magdadala ng malakas na ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa Mindanao partikular sa Caraga region, Compostela Valley, Leyte, Samar, Negros, Bohol at Cebu na puwedeng maging sanhi ng flashfloods at landslides.
Dahil dito, nagbabala pa ang NDRRMC sa mga residente na nakatira sa mga nasabing lugar na gumawa na ng kaukulang precautionary measures.
Pinayuhan din ang mga operator ng maliliit na barko at mga fishing vessels partikular ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot dahil sa malalaking alon na dala ng LPA.
Sa kabilang dako, ipinag-utos na ng NDRRMC sa lahat ng mga regional, city at provincial disaster chief na iposisyon na ang kanilang mga resources kasama ang kani-kanilang mga rescue team.
0 comments:
Post a Comment