Tatlong mga Filipino Nurses ang panibagong biktima ng Midde East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV.
Ang tatlong mga Pinoy ay kinabibilangan ng 28-anyos na babaeng nurse na nagtatrabaho sa Dr. Sulaiman Al-Habib Hospital sa Riyadh.
Subalit hindi umano ito nakitaan ng anumang sintoma ng virus.
Ang dalawa pang Pinoy na nagpositibo rin sa MERS-CoV ay kapwa nagtatrabaho sa Al-Noor Hospital sa Makkah. Ang isa sa mga ito ay 40-anyos na babae na nagkaroon ng contact sa isang pasyente na nakapitan ng virus pero hindi rin nakitaan ng anumang sintomas.
Nakitaan naman ng mild respiratory symptom ang 30-anyos na Pinoy nurse na nakuha ang virus sa isang pasyenteng nagpositibo sa MERS, pero ngayon ay stable na ang kalusugan.
Kabilang ang tatlong mga Pinoy sa 14 na bagong kaso ng MERS-CoV na naitala sa Saudi Arabia.
Ayon sa Saudi Ministry of Health, umaabot na sa 92 ang nasawi sa coronavirus sa nasabing bansa.
Sa kabila ng patuloy na pagdami ng kaso, tiniyak ng Saudi government na hindi pa naging epidemya ang naturang sakit.
Nag-alok naman ang World Health Organization na magpadala ng mga eksperto sa Saudi upang mag-imbestiga sa "evolving risk" ng pagkalat ng virus.