Mismong si US President Barack Obama na ang nagbigay ng katiyakan na hindi layunin ng Estados Unidos na magtayo ng base-militar sa nilagdaang ang Enhanced Defense Comprehensive Agreement o EDCA sa pagitan nito at ng Pilipinas.
Ito ang ginawang pagtitiyak ni Obama kasabay ng ginawang joint press conference kasama si Pangulong Noynoy Aquino matapos ang kanilang bilateral-meeting sa Palasyo ng Malacanang.
Binigyang-diin ng pangulo ng Estados Unidos na layunin ng naturang kasunduan ay upang palakasin ang defense capability at kooperasyon ng dalawang bansa kabilang na rito ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Nilagdaan ang kasunduan kaninang umaga sa Camp Aguinaldo nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg.
Nabatid na sa nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement ay mabibigyan ng access ang mga tropang Kano sa mga military camps sa bansa kung saan maaaring maglagay ang US ng mga fighter jets at barkong pandigma.
Sa kanyang statement, agad namang idinepensa ni Gazmin ang nabuong bagong kasunduan.
Mahalaga umano ito na pag-ibayuhin pa ang kooperasyon ng dalawang bansa dahil sa mga panibagong hamon ngayon.
Binigyang-diin naman ni Goldberg na hindi bubuksan muli ang mga US military bases sa bansa dahil sa EDCA.
Ayon sa US envoy, layunin lamang ng EDCA na mapalakas pa ang defense relation ng dalawang bansa.
Ang Amerika raw kasi ang may pinakamatagal na kasunduan sa limang mga bansa na meron silang military agreement.
Aniya, pagkilala ito ng dalawang bansa na marami pa ang dapat gawin para palakasin ang alliance ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa inilabas na statement ng DND na sumasagot sa ilang katanungan, ipinaliwanag dito na ang kasunduan ay mahigpit na susunod sa Saligang Batas ng Pilipinas, paggalang sa Philippine sovereignty at pagsunod sa mga batas.
Samantala, bagamat hindi hayagang kinampihan ni US President Barrack Obama ang Pilipinas kaugnay ng claims sa west Philippine sea, ngunit lumalabas na pinagtibay nito ang naging hakbangin ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino na dumulog sa international body laban sa China.
Kasabay ng kanilang joint press conference sa Palasyo ng Malacanang kasama si Aquino, tahasang sinabi ni Obama na walang kinakampihan ang Estados Unidos sa mga teritorial disputes ngunit hindi aniya dapat idaan ito sa karahasan.
Bingiyang diin pa ni Obama na ang magiging papel lamang ng Estados Unidos sa mga bangayan kaugnay ng agawan sa teritoryo ay matiyak na alinsunod sa international law ang hakbangin ng mga apekatadong bansa.