HINOBAAN - Planong ipa-cremate ng pamilya ang natagpuang pugot na ulo ng Negrense OFW na si Maribel Alpas na pinaslang sa Nueva Ecija.
Ito ang sinabi ni Mayor Ernesto Estrao ng Hinobaan, Negros Occidental matapos nagpositibo na kay Maribel Alpas ang abo ng mga buto at katawan na narekober ng Scene of the Crime Operatives o SOCO sa loob ng compound ng bahay na tinitirhan ng suspek na si Elcielo Valdez.
Napag-alaman na naisampa na sa fiscal's office sa Nueva Ecija ang kasong murder laban kay Valdez kung kaya nakakuha ang pulisya ng search warrant at nakagawa ng pagsisiyasat sa bahay ng suspek upang hanapin ang katawan ng OFW.
Ayon sa alkalde, hihintayin pa ng pamilya na maisampa na sa korte ang kaso bago i-cremate ang ulo upang madala sa kanilang lugar sa Hinobaan ang mga abo at mabigyan ng nararapat na paglibing.
Napag-alaman na temporaryong inilibing ang ulo ni Alpas sa Cabiao cemetery habang hinahanap ang katawan nito at pinoproseso ang kaso.