EB MAGALONA - Patay ang tatlong pinaghihinalaang hold-up men matapos nakasagupa ang mga pulis kahapon ng umaga sa bayan ng EB Magalona, Negros Occidental.
Magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga pulis sa Hda. Banilad, Brgy. Canlusong, EB Magalona ngunit nanlaban ang mga suspetsado kaya nangyari ang palitan ng putok.
Tatlo kaagad ang nasawi sa limang kasapi ng grupo nang tinaguriang Seva Brothers.
Isa namang kasapi ng Special Operations Group ang nasugatan sa naturang barilan.
Kinilala ang kasapi ng Special Operations Group kay PO1 Alfie Bungo na patuloy naman na ginagamot sa Riverside Medical Center sa Bacolod City.
Nangyari ang insidente dakong alas-6:00 ng umaga kahapon matapos inabangan ng kapulisan ang grupo kasunod ng natanggap na impormasyon na may tina-target ang mga ito na bibiktimahin sa area.