May teorya na umano ang Bureau of Fire Protection ng Taguig City hinggil sa posibilidad na naging sanhi ng sunog at pagsabog sa Explosive Ordnance Division Battalion Headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio sa Taguig City kahapon ng umaga na ikinasugat ng 25 katao.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, bagamat wala pang malinaw na sanhi ng pagkasunog at pagsabog, ilan sa mga teorya na kanilang kinokonsidera ay ang isinasagawang reloading.
Napag-alaman na ang nasabing lugar ay siyang reloading station ng EOD Battalion partikular ng mga bala at iba pa.
Nakitaan din nila na mayroong paglabag ang Army dahil sa ang storage room o ang imbakan ng mga baril, bala at pampasabog ay matatagpuan lamang sa iisang building na sana ay hindi dapat dahil labag ito sa firecode.
Subalit iginiit ng pamunuan ng Philippine Army na hindi imbakan ng mga bomba, baril at bala ang nasabing lugar. Kanilang itinanggi din na reloading station ang lugar.
Iminungkahi naman ang paglipat ng armory sa malayong lugar para makaiwas sa disgrasya.
Pinaiimbestigahan na rin ngayon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ang insidenteng pagsabog sa Headquarters ng EOD Battalion.