Pinasalamatan ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga grupong nambastos at nangantiyaw sa kanya habang nagtatalumpati bilang bahagi ng pagpapasinaya ng dalawang kilometrong bahagi ng Senator Benigno S. Aquino, Jr. Avenue road widening project sa Iloilo City kahapon ng umaga.
Sa ikalawang pagkakataon ay naputol na naman ang pagtatalumpati ni Pangulong Benigno Aquino III matapos sumigaw ang ilang raliyista sa mismong balwarte pa ng Pangulong Aquino.
Sa halip na mapikon dahil sa pangangantiyaw ng mga raliyista ay sinabi ni Pangulong Aquino ang “Maraming salamat po sa kanila,” na sinundan ng palakpakan ng mga nanonood saka itinuloy ng Pangulo ang kanyang talumpati.
Para naman sa tagapagsalita ng Pangulong Aquino na si Presidential Spokesman Edwin Lacierda na nakakalungkot isipin na may ilang tao ang pilit na pinapababa ang public discourse sa pamamagitan ng pagsigaw at pangangantiyaw.
Matatandaang noong Hunyo 12, ay biglang nagsisigaw din ang anti-pork barrel protester na si Emmanuel Pio Mijares, 19-anyos, senior psychology student ng Ateneo de Naga habang nagtatalumpati si Pangulong Aquino kung saan ay pinangunahan nito ang ika-116 Araw ng Kasarinlan sa bansa.
Matapang na isinigaw ni Mijares ang “Walang pagbabago sa ilalim ni Aquino.”
Inaresto rin si Mijares ng mga pulis, sinampahan ng kasong “tumults and other disturbances of public order” o “alarm and public scandal” ng Presidential Security Group o PSG at pansamantalang nakakalaya sa ngayon matapos magpiyansa.