Pambansang Pahayag ng Kagalang-galang
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Mula sa Palasyo ng MalacaƱang
Inihayag sa isang Live Telecast
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Mula sa Palasyo ng MalacaƱang
Inihayag sa isang Live Telecast
[7:45 ng gabi., ika-30 ng Oktubre 2013]
Mga minamahal kong kababayan, magandang gabi po.
Nitong
mga nakaraang buwan, lumitaw ang ilang mga paksang naging sentro ng
pampublikong diskurso. Kabi-kabilang tinig po ang narinig natin, at baka
po mayroon na sa ating nahihilo sa usaping Pork Barrel at DAP
[Disbursement Acceleration Program]. Humihingi po ako ngayon ng kaunting
oras upang liwanagin ang mga isyung ito.
Nakikita
na po siguro ninyo ang nangyayari ngayong bangayan. Sa isang panig,
kayo at ang gobyernong binigyan ninyo ng mandato para sa pagbabago, na
tatlong taon at limang buwan nang gumagawa ng reporma, naghahabol sa
corrupt, at kumakalinga sa mahirap. Sa kabila naman ay ang mga tiwaling
opisyal na diumano’y sangkot sa Pork Barrel Scam.
Baka
po may nakakalimot sa atin: Pagnanakaw ang tunay na ugat ng isyung ito.
Iyan po ang usapang pilit nilang tinatabunan, matapos mabisto ang
kanilang kalokohan. Napapailing na nga lang po ako, dahil ang una kong
inasahan, papabulaanan nila ang mga akusasyon. Di po ba’t iyan ang
natural na tugon ng kahit sinong akusado? Sa hinaba-haba ng mga
kontra-paratang na ibinabato sa atin, ni minsan, hindi ko narinig ang
katagang at statement na “Hindi ako nagnakaw.”
Sana
nga po, alang-alang sa inyong mga nagtiwala at bumoto sa kanila, ay
tinutupad ng mga opisyal na ito ang kanilang sinumpaang tungkulin. Sana
nga po, may paliwanag kung paanong nangyaring ang mga benepisyaryo ng
pekeng NGO [nongovernment organization] na pinili nila, ay listahan lang
pala ng mga board passer na hinugot lang mula sa diyaryo. Pero parang
ang hirap na pong maniwala sa mga palusot, kung sa paulit-ulit nilang
paggamit ng pare-parehong NGO, ni minsan ay hindi nila sinilip kung
nakakaabot sa taumbayan ang perang inilaan nila para dito. Medyo mahirap
o imposible na po talagang ipaliwanag ito.
Sa
sobrang hirap nga pong ipaliwanag, tila sinunod na lamang nila ang payo
ng isang matandang pulitiko sa kanilang kampo: Kung hindi mo kayang
ipaliwanag, palabuin mo na lang lahat; kung hindi mo kayang bumango,
pabahuin mo na lang lahat; kung hindi mo kayang gumuwapo, papangitin mo
na lang lahat. Narinig naman ninyo ang hirit nila: Pare-pareho lang
naman daw kaming lahat.
Ang
tugon ko po diyan: Hindi tayo pareho. Hindi kami nagnakaw, at hindi
kami magnanakaw; kami ang umuusig sa mga magnanakaw. Itinalaga po natin
ang mga taong may paninindigang tuparin ang kanilang mga sinumpaang
tungkulin. Di po ba’t ang itinalaga nating liderato ng Commission on
Audit ang sumuyod sa mga dokumento, kaya’t natuklas ang mga pang-aabuso
sa PDAF [Priority Development Assistance Fund]? Di ba’t nakakaasa tayo
ngayon sa patas at makatarungang imbestigasyon, dahil katuwang sa tuwid
na daan ang Ombudsman na atin ding itinalaga?
Linawin
na rin po natin: Hindi pork barrel ang Disbursement Acceleration
Program. Sa kabuuang DAP releases noong 2011 at 2012, siyam na porsyento
po nito ang ginugol sa mga proyektong iminungkahi ng mambabatas. Hindi
rin po pagnanakaw ang DAP. Ang pagnanakaw, ilegal; ang paggastos gamit
ang DAP, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon at sa iba pang mga batas.
Pangalan lang ang DAP ng isang proseso ng paggastos sa perang natipid,
at sa iba pang nalikom na kita ng inyong gobyerno. Saan po nanggaling
ang perang ito? Nagmula ito sa pagtitigil natin sa kuntsabahan sa
kontrata, tong-pats, overpricing, at kickback. Nagmula ito sa maayos na
paggugol ng budget. Nagmula ito mula sa dagdag na kita mula sa matinong
koleksyon ng buwis. Nagmula ito sa tapat na pamamahala ng mga GOCC
[government-owned and -controlled corporation; halimbawa ang MWSS
[Metropolitan Waterworks and Sewerage System], na dating nababaon sa
utang, pero ngayon, taun-taon nang nag-aabot ng dibidendo sa gobyerno.
Savings, above-target na koleksyon, at mga bagong revenue ang resulta ng
tamang pamamahala. At dahil sa DAP, naitutok ang pondo sa mga
proyektong nasa loob rin naman ng budget at totoong may pakinabang sa
atin.
Paano
gumagana ang mekanismong ito? Simple lang po. May mga ahensya, na sa
iba’t ibang kadahilanan, hindi agad naipapatupad ang mga proyekto nila;
mayroon namang masigasig at mabilis magpatupad ng mga proyekto. Kapag
naantala ang pagpapatupad ng proyekto, natural, hindi rin ito gugugulan
ng pondo. Hindi po natin hinahayaang matulog ang pondong ito: Humanap
tayo ng programang nakapila sa ilalim ng ahensyang mabilis magpatupad,
at doon natin itinutok ang pondong natipid, pati na rin ang dagdag na
perang kinita ng ating gobyerno. Mas mabilis at napaaga ang pagdating ng
benepisyo sa mamamayan, at mas masinop at epektibo nating nagugol ang
perang taun-taong nakalaan sa ilalim ng Pambansang Budget.
Kayo
nga po ang magsabi: Mali ba ito? Kailan ba naging masama ang paghahanap
ng konstitusyonal na paraan para makapaglingkod ng mas epektibo sa
taumbayan? Dahil po sa DAP, napondohan ang Project NOAH [Nationwide
Operational Assessment of Hazards], na nagbibigay ng tama at agarang
babala kung may sakuna. Dahil din sa DAP, sa ilalim ng Training-for-Work
Scholarship Program ng TESDA [Technical Education and Skills
Development Authority], mayroong halos 150,000 na Pilipino ang
napag-aral; at di bababa sa 90,000 sa kanila ang may trabaho na ngayon.
Nakinabang din po ang ating Air Force at kapulisan; nakapagpatayo tayo
ng kalsada, classroom, at ospital sa Mindanao at sa iba pang bahagi ng
bansa; naibalik ang benepisyo ng mga empleyado ng DepEd noong nabayaran
ang kanilang GSIS [Government Service Insurance System] premiums na
matagal nang di nababayaran ng pamahalaan; at marami pang ibang programa
at proyektong may tunay na pakinabang sa Pilipino.
Malaki
rin ang naitulong ng DAP sa nangyayaring pag-arangkada ng ating
ekonomiya. Sabi pa nga ng World Bank, nag-ambag ang DAP ng 1.3
percentage points sa ating GDP [gross domestic product] growth noong
ikaapat na quarter ng 2011. Ikumpara po natin: Hindi ba’t noong sila ang
nasa poder, “Sick Man of Asia” ang tawag sa atin? Ngayon, mamili na
kayo sa mga bagong bansag sa atin ng mundo: “Asia’s Fastest Growing
Economy,” “Rising Tiger,” “Brightest Spark.” Isama pa diyan ang nakuha
nating investment grade status mula sa tatlong pinakatanyag na credit
ratings agency. Ang pag-angat nito, at ang tinatamasang benepisyo ng
ating mga kababayan, lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan–ito po ang
bunga ng tamang paggastos, sa halip na pagnanakaw. Ang perang dating
kino-corrupt, napakinabangan na ng taumbayan, lalo na ng mahihirap.
Ipaliwanag
na rin po natin itong President’s Social Fund [PSF]. May mga
pagkakataon po na kailangan ng agarang pondo para tumugon sa mga
biglaang pangangailangan. Halimbawa: ang tulong para sa pamilya ng
sundalo’t pulis na nasawi sa pagreresponde sa MNLF [Moro National
Liberation Front]-Misuari Faction sa Zamboanga, gayundin sa paghahatid
ng ayuda nang sumalanta ang bagyong Sendong. PSF po ang pinanggagalingan
nito; kung wala nito, kung walang calamity o contingency funds,
mananatili ang ating mga kababayang nagdurusa.
Dahil
noong araw, inabuso ang pondong ito, baka raw abusuhin namin ito
ngayon—kahit walang paratang ng pagnanakaw o kamalian ng paggamit. Ang
mungkahi ng ilan, tanggalin na lang. Tanong po: Makatuwiran po ba ito?
Maganda po sana kung ganoong kasimple, pero paano po kung magkaroon ng
sakuna? Buwenas na tayo kung may session sa Batasan; mahina po ang apat
na buwan ng debate at pakikipagpalitan ng sulat sa Kongreso bago
maaprubahan ang pondong puwedeng gugulin. Kung ikaw ang nasa Zamboanga
City, at humihilab ang sikmura ng anak mong iyak nang iyak, matatanggap
mo ba kung sabihin sa iyo ng iyong gobyernong, pasensyahan muna tayo?
May pera naman, at may sapat tayong mekanismo upang siguruhing mapupunta
ito sa dapat kalagyan. Tama bang ipagkait ang kalinga sa ating mga
kababayan?
Uulitin
ko po: Pagnanakaw ang isyu dito. Hindi ako nagnakaw. Pero ang mga
diumano’y nagnakaw ay siyang nagpapasimuno ng kalituhan; gustong
kaladkarin pababa ang lahat ng ating pinaghirapang maabot dito sa tuwid
na daan. Tayo ang ninakawan, tayo ang niloko, tapos tayo pa ngayon ang
pinagpapaliwanag. Tayo ang patuloy na naghahanap ng katotohanan, tayo
ang nagbawas nang nagbawas sa mga mekanismong maaaring gamitin para
abusuhin ang kapangyarihan―tapos, tayo pa ngayon ang pinaparatangang
“Pork Barrel King.”
Ito
po ang masasabi ko sa kanila: Kung sa tingin ninyo, titigil ako sa
pag-usig; kung sa tingin ninyo, maililihis ninyo ang atensyon ng
publiko; kung sa tingin ninyo, makakatakas kayo sa pagnanakaw;
nagkakamali kayo ng tantya sa akin, at sa taumbayang Pilipino. Baka
naman po may natitira pang kabaitan sa inyo. Sana po, gumawa na kayo ng
kilos para naman sa kapwa ninyo, at hindi lang para sa sarili.
Nang
bumalik sa bansa ang aking ama noong ika-21 ng Agosto 1983, may
nakahanda siyang talumpati. Hindi na ito narinig ng mga Pilipino dahil
sa tarmac pa lang, pinaslang na siya. Sa talumpati, sinipi niya si
Archibald MacLeish: “How shall freedom be defended? By truth when it is attacked by lies.” Ngayong
sinusubok ng mga kasinungalingan at panlilinlang ang karapatan ng mga
Pilipinong magkaroon ng isang tapat na pamahalaan, tanging katotohanan
lamang ang wastong sandata. Sa gabing ito, inilatag ko sa inyo ang tunay
na konteksto ng mga nangyayari sa ating bayan. Mangyari po sanang sa
darating na mga araw, pag-usapan ninyo ito sa kani-kaniyang mga pamilya,
grupo, at komunidad, at doon bumuo ng sariling mga kaisipang
nakatuntong sa katotohanan.
Mga
Boss, marami na tayong pinagdaanang laban. Nagpapasalamat ako dahil
gaano man kasahol ang mga paninira at pagsasabotahe, hindi kayo bumitiw,
hindi kayo sumuko, at pinatunayan nating walang maaapi kung walang
magpapaapi. Ngayon, ang mga tila nagsamantala sa atin ang gustong
idiskaril ang kurso natin tungo sa ating mga pangarap. Hindi ako
naniniwalang papayag kayo dito. At habang nandiyan kayo, patuloy akong
maninindigan.
Panatag
ang loob ko, nasa poder man ako o hindi, na kayo mismong mga Boss kong
maayos ang kaisipan at nasa tamang lugar ang puso, ang magpapatuloy at
magtatapos ng laban. Dito nagmumula ang aking lakas at katatagan ng
loob. Di ba’t kailan lang, ang umiiral na siste ay isang taumbayang
nagsawa nang mangarap, nagsawa nang pumalag, nagsawa nang makiambag?
Ngayon, napakarami na nating sama-samang pumapanday ng positibo at
makabuluhang pagbabago sa lipunan. Tiwala akong mas masigasig pa ninyong
papanigan ang tama, ang makatotohanan, at ang makatarungan. Kaya
nagpapasalamat ako, dahil alam kong tuloy na tuloy pa rin ang ating
martsa sa tuwid na daan.
Muli, isang magandang gabi po sa inyong lahat.
0 comments:
Post a Comment