Mahigpit na nagbabala ngayon ang National Disaster Risk and Reduction and Management Council o NDRRMC sa mga lugar sa Mindanao na paghandaan ang posibleng epekto ng tropical depression "Caloy". Bahagyang bumilis ang Bagyong Caloy habang nagbabanta sa timog silangang bahagi ng Mindanao. Pinapayuhan ang mga residente ng Davao Oriental, Davao Del Norte, Compostela Valley, Surigao Del Sur at Agusan Del Sur, lalo na ang mga nasa coastal at mountainous areas na maghanda at kung maari ay magpatupad ng pre-emptive evacuation.
Una nang natukoy ng weather bureau Pagasa ang sentro ng bagyo sa karagatang Pasipiko o sa layong 360 kilometro sa silangan ng Davao City.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometro bawat oras at kumikilos nang mabagal na pakanluran.
Sa ngayon nakataas ang signal number one sa lalawigan ng Davao Oriental, Davao del Norte, Compostela Valley, Northern part ng Davao del Sur, kasama na ang Davao City, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Agusan del Sur, Agusan del Norte, North Cotabato, Bukidnon at Misamis Oriental.
Ang mga lugar na nabanggit ay makakaranas ng pabugso-bugsong hangin at inaasahang uulanin sa mga susunod na oras. Huling namataan ang sentro ng bagyong Caloy sa 330 kilometro sa silangan hilagang silangan ng Davao City. Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras, habang kumikilos ito sa bilis na 11 kilometro patungo sa kanlurang direksyon.
Ayon sa Pagasa, mga dalawang araw pa bago tatama ang sentro ng bagyo sa kalupaan ng Mindanao dahil sa kabagalan nito.
Bagamat, nasa karagatan pa ang sentro ng bagyo at ngayon pa lamang ay makakaranas na ang mga pag-ulan ang Eastern at Northern Mindanao dahil sa makakapal na kaulapan.
0 comments:
Post a Comment