CADIZ CITY - Umaabot sa P4.2 Milyon ang halaga ng pinaniniwalaang shabu ang narekober ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa lungsod ng Cadiz, Negros Occidental kahapon.
Tinatayang umaabot sa 500 hanggang 600 gramo ng suspected shabu ang kanilang nasabat sa isang pension house na nagsisilbing hideout ng pinaniniwalaang bigtime drug personalities sa lalawigan ng Negros Occidental at Cebu upang kumuha ng suplay.
Bago ang isinagawang operasyon kahapon ay nakatanggap na ng report ang PDEA na may drug personalities mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ang nagtipon tipon sa nasabing pension house sa may bahagi ng Villena Street na nagtugma naman sa location na ibinigay ng PDEA-NCR kung saan umano dinideliver ang stocks ng mga shabu.
Pinaniniwalaan na ang mga malaking box na pinadala sa pamamagitan ng isang courier service ng LBC ang naglalaman ng shabu, ang siyang hinihintay ng mga durugista na nagtitipon sa lugar simula pa noong isang araw.
Arestado sa buybust at interdiction operation si Jonathan Badilles samantala, nakatakas naman ang isa pang suspek na si Reyland Majarucon, ang sinasabing lider ng mga kumukuha ng suplay ng droga.