Maraming fans ang nasugatan sa nangyaring stampede matapos ang laban nina American Undefeated Boxer Floyd Mayweather Jr. at Marcos Maidana sa MGM Grand Garden Arena.
Nasa 24 katao ang isinugod sa ospital makaraang mag-unahan sa paglabas ng front doors ng MGM Grand ang mga taong nanood ng laban.
Nakarinig kasi ng isang "bang" na parang putok ng baril sanhi upang magpulasan ang mga tao. May mga kabataang kabilang sa mga sugatan.
Sinabi ng ilang testigo na matapos makarinig ng "bang" ay nag-unahan ang mga tao palabas sa pintuan ng arena patungo sa makipot na daan palabas ng casino.
Dahil wala nang mapuntahan, marami ang naipit sa dinding at salaming pintuan na nabasag dahil sa bigat ng mga tao.
Napag-alaman ng malakas na tunog ay dahil sa isang bahagi ng dinding na bumagsak.
Isa si dating WBA Super Bantamweight Champion Clarence "Bones" Adams sa mga tumulong na mahugot ang mga naapakang biktima.
Maalala na noong 1997, nagkaroon din ng stampede sa MGM matapos ang laban nina Mike Tyson at Evander Holyfield.