Ipinagtanggol ni Miss Earth Philippines Candidate Monique Manuel ng Dinalupihan, Bataan ang kaniyang sarili sa mga pumupuna matapos ang pagkakadapa sa pagrampa nila para sa Evening Gown Competition.
Magugunitang pumarada kagabi ang 49 na kandidata ngunit natapilok ang Bataan Beauty Contestant sa isang bahagi ng event.
Agad itong umani ng batikos sa social networking sites dahil inaakusahan ang mga kandidata na gumagawa lamang ng gimik para mapansin.
Ngayong taon kasi ay dalawa na ang nahimatay at isa ang nag-trending dahil sa sablay na pagbanggit ng "passed away" sa halip na "passed out" para sa kaibigan nitong nawalan ng malay.
Depensa naman ng nadapang kandidata, wala namang magnanais na gawing gimik ang pagkakadapa dahil kahihiyan ito, lalo't mahalaga ang postura sa Beauty Contest.
Ang mahalaga umano ay ang pagbangon mula sa pagkakadapa at hindi ang pangyayari ng pagbagsak.