Patuloy umano ang ginagawang imbestigasyon ng Department of Agriculture sa iba pang posibleng sangkot sa sinasabing pamemeke ng mga Special Allotment Release Orders o SARO ng ahensiya.
Ayon kay Agriculture Sec. Proceso Alcala, ang nasabing mga personalidad ay kalimitang nagpapanggap na mga kinatawan ng DA at siyang naglalakad ng mga "Forged Copies" ng SARO para sa mga local Government Officials.
Sinabi pa ng kalihim na nakikipag-ugnayan na rin sila sa National Bureau of Investigation para matukoy kung sino ang posibleng utak sa naturang sindikato.
Una rito, nilinaw ni Department Budget and Management Secretary Butch Abad na hindi pa naipapalabas ang P879 million para sa Farm-To-Market Road na nakapaloob sa peke umanong mga ginamit na SARO. Noong Octobre 22 pa ay nakarating sa kanyang kaalaman ang naturang Modus kaya kinabukasan agad niyang hiniling sa National Bureau of Investigation na ito'y imbestigahan.
Kanselado na ang mga binabanggit na SARO at walang perang lumabas para sa naturang mga proyekto.
Tiniyak naman ni Abad na walang sasantuhin o pagtatakpan sa imbestigasyon at dapat may managot.
Sa ngayon ay lumalabas daw na peke ang nasabing pirma ni DBM Asec. Luz Cantor dahil kaiba ito sa kanyang lagda.
Hindi naman masabi ni Abad kung may nakalusot na sa mga naunang taon ng administrasyon dahil ngayong taon lang daw may nadiskubreng anomalya.
0 comments:
Post a Comment