Karamihan sa mga kabataan na ngayon ay nakakalimutan na ang tunay na diwa at kasaysayan ng EDSA People Power 1 na ipinagdiriwang kahapon Pebrero 25 sa ika-28 taon nito, kaya’t labis itong ikinalulungkot ng mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP.
Malaking hamon ito sa mga paaralan maging sa Simbahang Katoliko na palaging ituro sa mga kabataan ang makasaysayang EDSA People Power na naging daan para makamit ng mga Pilipino ang kalayaan mula sa diktaduryang pamumuno.
Sa pamamagitan ng kuwento ng EDSA Bloodless Revolution ay makapagsimula ang mga kabataan na mangarap at gumawa ng kabutihan para sa bayan tulad ng nagkakaisang hangarin ng milyun-milyong Pilipino na wakasan ang diktaturya sa bansa.
Naniniwala ang CBCP sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kabataan o sa bagong henerasyon ng tunay na diwa ng EDSA People Power ay magiging inspirasyon ito para manindigan at labanan ng mga kabataan at malayang mamamayan ang laganap na katiwalian sa gobyerno ang nararanasang kahirapan sa bansa. At sana hindi ito magagamit sa pamumulitika ang selebrasyon ng People Power kundi gamitin ito para tulungan ang mga biktima. Tulad ng mga nabiktima ni bagyong Yolanda sa Visayas, mga biktima ng lindol sa Bohol at karahasan sa Zamboanga City.