Nagsimula na ngayong araw ang training ni 8-Division World Champion Manny Pacquiao para sa inabangang rematch nito kontra kay WBO Welterweight Champion Timothy Bradley.
Ayon kay assistant trainer Buboy Fernandez, mula sa paglalaro ng basketball at pagtakbo, sasabak na sa ilang rounds sa mitts at stretching ang Filipino Ring Icon sa Pacman Wild Card Gym sa kanilang hometown sa General Santos City.
Layun aniya nito para maibalik ang stamina at physical condition ng kaibigan bago sasabak sa mas dibdibang ensayo pagdating sa bansa ni Chief Trainer Freddie Roach.
Binanggit pa ni Buboy na inaasahang sa susunod na linggo pa darating sa Pilipinas si Roach dahil nakatutok pa ito sa laban ni Chinese Olympian Zhou Shimming sa Macau.
Inihayag ni Fernandez na mahirap na, baka muling mangyari na kahit malinaw ang panalo ni Pacman ay si Bradley pa rin ang magtagumpay. Inamin din niya, na hindi masisiguro kung ano ang nasa isip ng tatlong mga judges kaya mas mabuti na dapat kumbinsido ang panalo ni Manny sa rematch kay Bradley.
Napag-alaman na isang buwan ang training ni Manny sa GenSan at ipagpapatuloy ito sa Amerika. Ngayon pa lamang hinihiling na ni Fernandez sa publiko na sana unawain sila dahil sa istriktong mga regulasyon na kanilang ipapatupad sa Wild Card Gym ni Pacman sa lungsod. Ayon sa kanya, kung istrikto sila noon habang nag-eensayo si Mannny laban kay Brandon Rios pero mas istrikto sa ngayon.
Muling tiniyak ng Team Pacquiao ang kanilang misyon na kung maaari i-knockout sa mas maagang rounds ni 8-Division World Champion Manny Pacquiao si Timothy Bradley sa kanilang laban sa Abril 13, 2014 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
0 comments:
Post a Comment