Humingi na ng tulong sa pamahalaan ang sampung Overseas Filipino Workers o OFWs na dumaranas ngayon ng kalupitan sa Malaysia.
Dahil dito, tiniyak ng Overseas Workers and Welfare Administration o OWWA na matutulungan nilang mapauwi pabalik sa Northern Mindanao ang sampung OFWs na iligal na pumasok at nagtrabaho sa Malaysia.
Ito’y matapos dumulog ang mga asawa nila sa ahensya upang magpatulong dahil sa labis nilang pangamba sa sinapit ng mga mahal sa buhay sa naturang bansa.
Inihayag ni OWWA Regional Officer-In-Charge Harry Borres na bagama’t illegal entry ang ginawa ng mga ito ay kanila nang naipagbigay alam sa Philippine Overseas Labor Office o POLO at Overseas Workers Welfare Administration-Malaysia ang sitwasyon ng OFWs.
Kinumpirma rin nito na nakaranas na ng pananakit mula sa Malaysian Authorities ang nabanggit na mga trabahador dahil sa iligal na pagpasok sa bansa.
Dalawa sa mga ito ay nagkaroon na ng sakit kaya labis ang pag-aalala ng mga kaanak nila sa Pilipinas.
Una rito, dumaan ang mga manggagawa sa bahagi ng Sulu upang makapasok sa Malaysia at manilbihan bilang mga trabahador sa isang rubber farm.
Napag-alaman na pinangakuan pa ang mga biktima na tatanggap ng sahod na umaabot P18,000 hanggang P25,000 subalit hindi tinupad ng kanilang employer.