Umakyat na sa 20 katao na mula Western Visayas, ang mga pasahero ng eroplano mula sa Middle East na sinakyan ng Pinoy Nurse na sinasabing nahawaan ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV.
Ayon kay Department of Health Region 6 Director Marlyn Convocar, nadagdagan pa ng dalawa ang unang naiulat na 18 na taga-Western Visayas na mga pasahero ng Etihad Airlines Flight EY 0424 na sinakyan ng Pinoy Nurse na itinuturing na index passenger dahil may direct contact sa pasyente na positibo sa virus.
Sa 20 ay umaabot na sa 11 ang natunton kung saan lima ang taga-Negros Occidental at nakabilang ang mga ito sa 72 na mga pasahero ng eroplano, na nakuhaan na ng swab o specimen at 40 sa mga ito ang negatibo sa MERS-CoV.
Tatlo sa limang mga Negrense ang naghihintay pa ng resulta ng eksaminasyon. Samantala ang dalawa ay kukunan pa lamang ng specimen.
Nilinaw naman ni Convocar na walang nararamdamang sakit ang mga taga-Region 6 ngunit isinailalim sa pagsusuri dahil nakasama sila ng Pinoy Nurse mula sa UAE.