Kasunod nang pagpapatupad ng Reproductive Health o RH Law ang pagsasa-legal ng aborsyon sa Pilipinas.
Ito ang paniniwala ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP kasunod nang tuluyan nang pagpapatupad ng RH law sa bansa.
Inihalimbawa ng Arsobispo ang naganap na pagpupulong noong Enero taong kasalukuyan sa PICC ng iba’t ibang grupo, kabilang ang mga kinatawan ng World Health Organization o WHO, at pamahalaan kung saan tinalakay ang mga contraceptives na magdudulot ng aborsyon.
Dahil din sa RH law, dadagsa na ang pondo para sa programang pipigil sa paglaki ng populasyon.
Binigyang-diin pa ng arsobispo na pormalidad na lamang ang legalidad ng RH law para sa mas malaking pondo at pagpasok ng mga abortifacient drugs at iba’t ibang uri ng contraceptive sa bansa.
Muli ring nanindigan si Cruz na ang malaking populasyon ng bansa ay hindi problema dahil nasa tao aniya ang yaman ng isang bansa.
Napatunayan na aniya ito sa Pilipinas dahil sa laki ng halaga ng remittances ng mga Overseas Filipino Workers na nakatutulong para sa pag-unlad ng ekonomiya ngunit hindi napapakinabangan ng mga ordinaryong mamamayan.
Kaugnay nito, naniniwala rin ang Arsobispo na naipasa at maipatutupad ang RH law dahil sa pressure at personal na desisyon.
Inihayag ng Arsobispo na nakakahiya mang aminin, kitang-kita ng taumbayan na hindi naging objective ang botohan mula sa Kongreso hanggang sa Korte Suprema dahil sa maraming pressure at personal concentration.
0 comments:
Post a Comment