Pinaalalahanan ng CBCP Episcopal Commission on Youth ang mga kabataan na makibahagi sa tunay na diwa ng Kuwaresma bago ang pagsasagawa ng mga pagkakalibangan ngayon bakasyon bilang paggunita sa Semana Santa.
Ayon sa Chairman ng Komisyon na si Bangued, Abra Bishop Leopoldo Jaucian, bagama’t panahon ng pagbabakasyon at pagtungo sa mga pasyalan ay dapat pa rin aniyang huwag kalimutang pagnilay-nilay at pagdarasal.
Ayon pa sa Obispo, dapat aniyang unahin ng mga kabataan ang paglalaan ng oras ngayong Mahal na Araw at huwag balewalain ang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Diocese of Kalibo na siyang nakakasakop sa isla ng Boracay na mayroon silang mga aktibidad ngayong Semana Santa kung saan maaring makibahagi ang mga magbabakasyon doon.
Ayon kay Fr. Ulysses Dalida, Social Action Director ng Diocese of Kalibo, bagama’t hindi nila pinipigilan ang mga bakasyonista na magkaroon ng kanilang sariling aktibidad ay hinihimok naman nila ang mga ito na makibahagi din sa diwa ng Semana Santa.
Hinimok ng CBCP Episcopal Commission on Health Care ang mga mananampalatayang katoliko na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang kalusugan bago sumabak sa mga aktibidad ng Semana Santa.
Ayon kay Rev. Fr. Dan Cansino, executive Secretary ng CBCP-ECHC, dahil sa patuloy na epekto ng nagbabagong klima ay dapat ikonsidera ng mga katoliko ang kanilang kalusugan bago makibahagi sa mga gawain na pang-Mahal na Araw gaya ng mga Pilgrimage, Station of the Cross at Alay-Lakad.
Paniwala ng Pari, hindi dapat balewalain ang kahagalahan ng pagdadala ng inuming tubig at payong kung sasama sa mga mahabang paglalakad o pagpunta sa iba’t ibang Simbahan.
Pinayuhan din ng komisyon ang mga Person with Disability at mga Senior Citizens na maaring manatili na lamang sila sa kanilang mga tahanan at dito isagawa ang pagdarasal o pagdedebosyon lalo na kung magiging mahirap para sa kanilang kalusugan ang pagtungo sa mga Simbahan.
Sinabi ni Fr. Cansino na bagama’t nauunawaan niya ang kagustuhan ng mga PWD’s at ilang mga Senior Citizen na makibahagi sa aktibidad ng Semana Santa ay maari pa rin naman itong ipagpatuloy kahit nasa mga bahay lamang dahil na rin sa pangkalusugan dahilan.
Aniya, ang pinakamahalaga ay ang intensyon ng isang mananampalataya at kanyang kagustuhan na pahalagahan ang sakripisyo ni Hesukristo para iligtas tayo sa ating mga kasalanan.
Kaugnay nito, nagpaalala rin ang mga paring Katoliko na hindi kailangan sugatan ang kanilang sarili upang ipakita ang kanilang pagpipinetensya.
Giit ng Pari, maraming mas makabuluhan bagay na maaring gawin para ipakita ang pananampalataya at hindi sa paraan na sasaktan o susugatan ang kanilang katawan.