Ligtas na sa Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus o MERS-CoV ang lalawigan ng Negros Occidental.
Ito ang sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Ernel Tumimbang matapos nag-negatibo sa nasabing virus ang throat swab ng anim na mga Negrense OFWs na nakasama sa Etihad Airlines Flight EY 0424 mula sa Middle East kung saan nakasakay ang Pinoy nurse na sinasabing nahawaan ng MERS-CoV ngunit lumabas naman sa huli na negatibo ito.
Unang idineklarang negatibo sa MERS-CoV ang dalawang taga-Bacolod, isa na taga-Talisay at isang taga-bayan ng Toboso at ang huli ay naging negatibo rin sa test ang dalawa pang residente ng Bacolod City.
Sa kabila nito ay sinabi ni Dr. Tumimbang na hindi dapat magkumpiyansa at sa halip ay ipagpapatuloy ang monitoring sa mga OFW na mula sa Middle East at patingnan kaagad sa doktor kung makakaramdam ng sakit sa katawan.