Tuloy ang laban ng Simbahang Katoliko at mga mamamayan laban sa RH Law sa kabila nang pagdeklara nitong ligal ng Korte Suprema.
Ito ang tiniyak ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP- Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People Chairman Balanga Bishop Ruperto Santos.
Ayon kay Santos, ang malaking bilang ng mga Overseas Filipino Workers o OFW's ay patunay na ang populasyon ng Pilipinas ay hindi problema at sa halip ay assets o yaman ng bansa.
Ipinaliwanag ng Obispo na dahil sa bilyong pisong remittances ng mga OFW ay nananatiling malakas at maunlad ang ekonomiya ng Pilipinas.
Nangangamba pa ang Obispo na dahil sa batas ay manganib ang sagradong buhay ng isang tao na ang Panginoong Maylikha lamang ang may kapangyarihang kumuha.
Inihayag pa ng Obispo na ang kalooban ng Diyos ay dapat na igalang, bigyan ng pagpapahalaga at payabungin ang buhay hindi para kitilin.