Hati ang reaksyon ng mga residente sa lalawigan ng Pampanga, matapos magpapako sa krus ang isang Danish filmmaker, kasabay ng ilang panatikong namamanata kahapon ng Biyernes Santo.
Kinilala ang banyaga na si Lasse Spang Olsen, 48-anyos.
Sa internet research kung pagbabasehan ang lumabas na ilang detalye, si Olsen ay ipinanganak noong April 23, 1965 sa Denmark.
Anak siya ng illustrator at author na si Ib Spang Olsen.
Marami na rin siyang nagawang directorial job gayundin ay bilang stunt coordinator sa maraming pelikula.
Sinasabing si Olsen ay naging coordinator ng mga extras sa pelikula nang mahigit na rin sa 300 films sa nakalipas na dalawang dekada.
Naging kilala siya sa ilang mga pelikula na "In China They Eat Dogs" (1999), "Old Men in New Cars," "In China They Eat Dogs II" (2002) "Pusher" (1996) at iba pa.
Ayon kay dating Brgy. Cutud Chairman Remegio dela Cruz, hindi sila pabor sa pagsali ng mga turista sa taunang pagpapapako sa krus.
Matatandaan na may mga bisitang Japanese at Australian na nakilahok noon sa crucifixion ngunit bandang huli ay ginamit ang video nito sa isang pornographic movie.
Pero para sa iba, bahala na ang mga nagpapapako kung ano ang kanilang intensyon, dahil sila naman umano ang makakaramdam ng hirap.
Sinasabing kaya naman daw pinayagan ng mga local organizers si Olsen na magpapako kahit dayuhan ay matapos na magpresenta ng "waiver of liability" mula sa Danish Embassy.
Batay pa sa lumabas na impormasyon, may ikinabit na maliit na video camera kay Olsen, habang ipinapako ito sa kahoy ng krus at iniinda ang matinding sakit.
Inabot din umano ng halos 10 minuto na nakabayubay sa krus si Olsen bago tuluyang ibinaba.
Si Olsen ay nilagyan din ng koronang tinik para sa re-enactment ng mga nagsilbing Roman Soldiers, walang damit at nakatapis lamang ng puting tela.
Ang taunang madugong atraksiyon sa San Fernando, Pampanga, kahit walang basbas sa simbahang Katolika ay naging tampok din ang walo pang iba, ay ikinagugulat pa rin ng marami.
Tulad ng mga nakaraang taon, libu-libong mga tao ang sumaksi at nakiusyoso na sa pagtaya ay aabutin ng 50,000 kasama na ang maraming mga turista.
Ang naturang pangyayari na ritwal ng ilang mga deboto ay usap-usapan muli maging sa mga foreign news organizations.
Kumalat din sa mga social network sites ang mga kuha ng larawan sa Pampanga.
Samantala, umaabot sa 18 namamanata ang nagpapako kahapon Biyernes Santo sa lalawigan ng Pampanga.
Pinakamarami sa mga ito ay sa Brgy. Cutud sa lungsod ng San Fernando.
Ang pagpapapako ay taon-taong isinasagawa sa nasabing lalawigan, sa kabila ng pagtutol dito ng simbahang Katolika.
Ayon kay Pampanga Archbishop Aniceto Paciano, hindi inirerekomenda ng simbahan ang mga ganitong aktibidad, pati na ang pagpepenetensya.
Giit ng arsobispo, sariling pasya ng mga namamanata ang kanilang mga ginagawa.
Maaga ang naging pagsisimula ng kanilang mga programa ngayong Semana Santa, lalo't maaga ring dumating ang ilang mga lokal at dayuhang turista.
Sa taunang aktibidad sa nasabing lugar, hindi bumababa sa 50,000 hanggang 60,000 katao ang dumarayo para saksihan ang Senakulo at pagpapako sa krus ng ilang namamanata.