SIPALAY CITY - Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives o SOCO kaugnay sa pagkamatay ng isang pulis na kasapi ng Sipalay City Police Station dito sa lalawigan ng Negros Occidental.
Kinilala ang nasawi kay PO2 Jury Ayo, 36, residente ng Brgy. Canturay, Sipalay City.
Si Ayo na nakatalaga bilang Police Community Relations Officer ng Sipalay City PNP ay idineklarang dead on arrival sa Sipalay Emergency Clinic matapos umanong aksidenteng mabaril ang sarili.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naglilinis umano ang biktima ng kaniyang service firearm dakong alas-7:30 kahapon ng umaga sa loob ng kanilang barracks sa likuran ng police station.
Tama sa bunganga na tumagos sa kaniyang ulo mula sa kalibre 9mm glock pistol ang tinamo ng biktima na naging dahilan ng kanyang agarang pagkasawi.