Mag-aambag ang mga miyembro at organizer ng isinagawang 21-kilometer "Unity Love Run" matapos mamatay ang isa sa kanilang runners kahapon, ilang oras lang matapos itong dalhin sa ospital.
Ayon kay Butuan City Councilor Derrick Plaza, batch 90 president ng Father Saturnino Urios University o FSUU Alumni Association, naging "sad run" ang dapat sana'y "fun run" na sinalihan ni Julius Chan, 38-anyos, residente ng Brgy. 9, Buenavista, Agusan del Norte, na parte ng kanilang alumni homecoming celebration, matapos itong mamatay dahil sa umano'y myocardial infarction.
Napag-alamang sa umaga pa lang ay napansin na ang ibang takbo ng biktima nang ito'y umabot sa water station sa boundary ng Brgy. Alubihid sa bayan ng Buenavista at Brgy. Dumalagan sa Lungsod ng Butuan, kung saan dito na siya pinahinto sa pagtakbo lalo na't nang ininda na nito ang pamamanhid ng kanyang mga paa at namumutla, kung kaya't isinugod ito agad sa ospital.
Ayon kay Konsehal Plaza, conscious pa nang dumating sa ospital si Chan ngunit pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ay nalagutan na ito ng hininga.