Maliban sa mga seryosong usapin, nakatawag-pansin din sa mga netizens ang ilang katatawang eksena o 'bloopers' sa pagbisita ni US President Barack Obama sa bansa.
Paglapag pa lamang ng Air Force One sa NAIA, agad napansin ang pag-selfie ng ilang kababayan kabilang na ang mga taga-media at mga sundalo na rin.
Sa troop inspection din sa Malacanang grounds, mistulang nalito si Pangulong Aquino sa kanyang martsa at napangiti si Obama.
Sa guestbook signing, napansin ang pagtatanong ni Obama kay Pangulong Aquino at napangiti ang dalawa kaya inakalang tinanong ng US president ang petsa at oras sa Pilipinas.
Pagdating ng joint press conference, ilang beses namali si Obama ng pagtawag kay Pangulong Aquino kung saan imbes na 'Noynoy' ay tinawag nitong 'Nino' at 'Nonoy.'
Sa state dinner, nagyaya ng toast si Pangulong Aquino pero wala pang hawak na wine glass si Obama at napangiti na lamang bago inabutan ng protocol officer.