BACOLOD CITY - Arestado ang mag-live-in partner sa isinagawang buy bust operation na sinundan ng pagsalakay ng Special Operations Group ng Bacolod City Police Office sa Purok Sigay, Barangay 2 sa Lungsod ng Bacolod kagabi.
Subject sa operasyon ay ang mag-live-in partner na sina Alma Sauce at Noel Kabugwason na kapwa nabilhan ng shabu ng poseur buyer.
Nakuha sa kanila ang P100,000 na halaga ng shabu, tig-isang caliber 45 at caliber 38 na pistola, P5,700 na cash, P400 na marked money at mga drug paraphernalia.
Maliban sa dalawa, naaresto rin ang kanilang kapitbahay na si Maria Fe Tomias na nakuhanan ng P3,480 na cash at P300 na marked money kasama si alyas Christian na nasa loob ng bahay ng maganap ang raid.
Nabilhan din ng shabu ang nangngangalang John-john Diaz at alyas Jimboy ngunit nakatakas ang mga ito sa kabila ng habulan na nangyari matapos umakyat ang mga ito sa bubong ng mga kabahayan.
Kaso kaugnay sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act at Section 28 ng Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang kakaharapin ng mga nadakip.