Suportado ng isang election watchdog ang voter’s education campaign ng Commission on Elections o Comelec para ipaalala sa mga botante ang kahalagahan ng pagpapa-biometrics ng registration na magsisimula sa Mayo 6 hanggang sa Oktubre ng taong 2015.
Ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV, isa itong epektibong paraan para hikayatin na magparehistro ang mga botante at ipaalam din sa mga ito ang kanilang mga kailangang gawin.
Base sa report, layunin ng Walkah, o Walkah campaign o walking education campaign ng Comelec na sisimulan sa Laoag, Ilocos Norte at magtatapos sa Matnog, Sorsogon na hikayatin ang mga botante na magparehistro.
Layunin rin nito na mahimok ang mga walang biometrics record na magpa-validate ng kanilang registration at alamin ang mga problema o concern ng mga botante.
Sasalubong naman ang mga lokal na volunteers ng PPCRV sa mga lugar na pupuntahan ng Comelec.
Sa records ng Comelec, mula sa 52-million registered voters ay mahigit sa 9 na milyong botante sa buong bansa ang wala pang biometrics registration habang mayroon naman umanong mahigit tatlong milyon ang first time voters.