BACOLOD CITY - Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng HRM Student ng De La Salle College of St. Benilde na napatay dahil sa fraternity hazing.
Ngunit sinabi ng pamilya na hindi na sila umaasa sa hustisya ng batas dahil mabagal ang pag-usad nito sa korte at napapabayan ang pagkamit ng katarungan tulad sa mga nangyari sa mga unang biktima nga hazing na mula rin sa mga kilalang kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila.
Sinabi ni Brother Antonio Cesar Servando, tiyuhin ng biktimang si Guillo Cesar Servando at vice chancellor for administration ng University of St. La Salle-Bacolod, ipanaubaya na lamang nila sa hustiya ng Poong-Maykapal ang nangyari sa biktima.
Samantala, nilinaw ni Brother Antonio na hindi kinikilala ang mga fraternity sa lahat na La Salle Schools kabilang na sa CSB kung saan nag-aaral ang biktima.
Kaugnay nito ay muling isinusulong ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC ang total ban sa mga fraternity sa mga paaralan at ibalik ang death penalty sa mga nagkasala kaugnay sa hazing.
Ang VACC ang isa sa mga tumutulong sa pamilya ng biktima upang maisampa ang kaso.
Ayon kay VACC Founding Chairman Dante Jimenez, dapat na makasuhan ng murder ang mga salarin kung saan inihayag nito na batay sa pahayag ng mga kasamahan ng biktima at gusto na sina nilang mag back-out sa initiation ngunit pinagbantaan sila na patayin kung uurong sa pagpasok sa fraternity. | via @BOMBORADYOBACOLOD