Bumuhos ang suporta at reaksyon sa iba't ibang dako ng mundo matapos na ibulgar ng isang Human Rights Group na galing sa Netherlands ang kanilang kampanya laban sa mga manyakis na pedophile kung saan ginamit nilang pain o set up ang pekeng 10-anyos na dalagita sa internet na pinangalang "Sweetie."
Si "Sweetie" ay computer generated na bata na ginawa ng Terre Des Hommes, isang organisasyon sa Netherlands na lumalaban sa child exploitation sa buong mundo. Naimbento si "Sweetie" at ipinakilalang 10-anyos na dalagita mula sa Pilipinas upang matunton at matukoy sa internet kung sinu-sino ang mga pedophile na nagbabayad para mangmolestiya at pagsamantalahan ang mga bata.
Marami ang nagulantang at ipinaabot ang pagkagalit matapos na mabulgar sa report ng Terre Des Hommes kung gaano kalawak ang Web Cam Child Sex Tourism. Ginamit ng grupo ang nationality na Pinay dahil sa laganap ang child exploitation sa bansa, kung saan sinasamantala ng walang mga pusong tao ang kahirapan ng mga bata.
Ilang buwan na ang nakakalipas ay iniulat na ang Cybersex Operations umano sa Pilipinas ay mistulang "call centers" na bahagi ng "outsourcing industry." Hirap ding mabuwag ang Webcam Child Sex Tourism ng mga NBI dahil sa pamamagitan lamang ito ng internet at ang ibang websites pa ay mula sa ibang bansa. Matapos namang ipakilala si "Sweetie", marami ang nangako na tutulong at pipirma sa kampanya upang i-pressure ang mga gobyerno na paigtingin ang kampanya laban sa Child Exploitation.
Bumuhos sa mga Social Networking Sites ang suporta para sa naturang kampanya.
Si "Sweetie" ay hindi na rin gagamitin dahil natapos na umano ang "serbisyo" nito makaraang matukoy ang may 1,000 mga pedophiles. 1,000 mga kalalakihan na handang magbayad daw kay "Sweetie" para tanggalin ang kanyang damit at ipakita ang maseselang bahagi ng kanyang katawan sa harap ng webcam, umaabot sa 254 na mga lalaki ang mula sa US, nasa 110 mula sa UK at 103 naman ang mga pedopilya mula sa India.
0 comments:
Post a Comment