Napanatili ng Bagyong Agaton ang taglay nitong lakas habang mabagal na kumikilos ng patimog-kanluran sa napakabagal na limang kilometro kada oras. Huling namataan ang bagyo sa layong 166 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay pa rin ang hanging 55 kilometro bawat oras.
Nakataas pa rin ang signal number 1 sa mga sumusunod na lugar:
Surigao del Norte, Siargao Is., Surigao del Sur, Dinagat Province, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao Oriental at Compostella Valley.
Umaabot naman sa 40 ang naitalang patay dahil sa bagyong Agaton, mula noong ito ay isang Low Pressure Area o LPA pa lang hanggang sa pagiging Tropical Depression nito.
Karamihan sa mga nasawi ay bunsod ng baha, pagguho ng lupa at pagtama ng malalaking alon.
Maliban sa mga binawian ng buhay, nakapagtala rin ng 65 na nasugatan, habang lima ang nawawala.
Sa ngayon, umaabot na sa 123,444 families ang naitalang nasalanta o 587,115 indibidwal mula sa 90 bayan ng 15 lalawigan sa Regions 10, 11, Caraga at Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
Nananatili namang stranded ang nasa 7,386 pasahero mula sa Bicol at Visayas.
Samantala, dahil sa malalakas na alon na dulot ng Bagyong Agaton, bumangga ang isang Cargo Vessel sa isa pang barko na naging sanhi sa paglubog nito kaninang madaling araw sa pagitan ng karagatan ng Ilo-ilo at Guimaras.
Ligtas na narescue ang nasa 29 na mga crew ng nasabing Cargo Vessel ang MV Sportivo.
Nabatid na nakatakda sanang aalis ngayong umaga ang nasabing Cargo Vessel patungong Palawan para ideliver ang karga nitong nasa 28,000 sako ng fertilizer.
Agad namang kumilos ang mga otoridad para maiwasan ang pagtagos ng langis mula sa lumubog na barko.
Ayon sa kapitan ng barko na si Nemesio Igona ng Cebu City, natanggal ang kanilang angkla kaya't natangay ng malakas na hangin at alon ang kanilang barko at bumangga sa isa pang barko.
Nabutas umano ang harapang bahagi ng barko at mabilis na pumasok ang tubig at lumubog agad ito makalipas ang nasa 20 minuto.
0 comments:
Post a Comment