Hands off na muna ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP sa kaso ng dalawang media personalities na sina Erwin Tulfo, television news anchor at Carmelo Del Prado Magdurulang, radio broadcaster na sinasabing sangkot sa multi-billion peso na "Pork Barrel Fund Scandal".
Ayon kay KBP President Herman Z. Basbaño na bagama't nakakabahala ang naturang alegasyon, kanila umanong ipinauubaya na muna sa mga home networks ng naturang mga mamamahayag ang pag-imbestiga.
Binigyang diin pa ni Basbaño na mahalagang marinig muna ng lahat ang bawat panig sa isyu, kasabay na rin ng panawagan sa publiko na iwasan muna ang mga ispekulasyon.
Muli namang ipinaalala ng opisyal sa lahat ng media practitioners na alagaan ang kredibilidad sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng media industry.
Tiniyak rin ni Basbaño na nakahandang tumulong ang KBP sa mga nasasangkot na media personalities para mapangalagaan ang kanilang mga karapatan.
Una rito, inihayag na ng Department of Justice o DoJ at National Bureau of Investigation o NBI na kanilang pag-aaralan ang gagawing imbestigasyon sa naturang mga mediamen na dawit sa National Agribusiness Corporation o Nabcor Payoff Scandal.
Napag-alaman na una nang lumabas sa sinumpaang salaysay nina dating Nabcor Officials Rhodora Mendoza at Victor Cacal na may ibinigay silang tseke sa dalawang mediamen.
Pero sa panig ni Tulfo, iginiit nito na regular payment umano ang nasabing pondo para sa regular ads na binili ng Nabcors sa kaniyang programa.
0 comments:
Post a Comment