Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang anim na taong gulang na batang lalaki matapos kagatin ng pit bull sa harapan mismo ng istasyon ng pulisya sa Barangay 3 bayan ng San Francisco, Agusan del Sur.
Nakilala ang biktima na si Jaypee Caay, residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa impormasyon, namamasyal sa parke ang may-ari ng aso kasama ang naturang pit bull nang hindi nito namalayan ang biglang pagkagat ng pit bull sa mukha ng batang naglalaro at saka winasiwas.
Kaagad namang tumulong ang mga miyembro ng San Francisco-Philippine National Police para masagip ang bata at madala sa pagamutan.
Umapela naman ang ama ng biktima na sagutin ng may-ari ng aso ang gastusin sa pagpapaospital ng kanyang anak.
Dahil sa insidente isinailalim muna sa kustodiya ng pulisya ang nasabing pit bull.