Kapwa patay ang isang Barangay Captain at kanyang nanay habang sugatan naman ang misis nito at isa pa nang ratratin sila ng ‘di kilalang armadong kalalakihan habang nasa loob ng kanilang bahay sa Masbate kaninang madaling-araw, Marso 31.
Nagtamo ng tama ng bala mula sa M16 rifles, calibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan at namatay noon ang mga biktimang sina Alan Marcos, 41, barangay chairman at ang nanay nitong si Purita, 65, kapwa ng Barangay Igang, Masbate.
Bagama’t ligtas na sanhi ng tama ng bala sa braso, balisa naman ang misis ni Alan na si Annalyn dahil sa pagkamatay ng kanyang mister at sa takot na balikan siya para patayin ng mga suspek. Hindi naman nabanggit ang pangalan ng isa pang nasugatan na biktima.
Blangko pa ang pulisya kung sino ang nasa likod ng pag-atake pero isa sa mga sinisilip na motibo ay personal na awayan.
Ayon sa mga kapitbahay ng pamilya Marcos, bigla na lamang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril na nagmula sa bahay ng mga biktima.
Sa takot na madamay, hinintay muna nila ang paglipas ng ilang minuto bago sinilip ang loob ng nasabing bahay at tumambad sa kanila ang malagim na sinapit ng Marcos family.
Bagama’t wala pang resulta ang imbestigasyon ng pulisya, ibinunyag naman ni Barangay Kagawad Dominador Manlapas na mayroong personal na kaalitan ang biktima pero pansamantalang hindi muna binaggit ang pangalan alinsunod sa ilalatag na paghuli dito.
0 comments:
Post a Comment