Kinumpirma ng konsulada ng Pilipinas sa Jeddah, Saudi Arabia, na 37 Filipino na ang tinamaan ng sakit na Middle East Respiratory Syndrome–Corona Virus o MERS-CoV mula noong 2012 hanggang taong kasalukuyan.
Batay ito sa ulat ng Ministry of Health ng nasabing bansa.
Ayon kay Dr. Amelito Adel, Welfare Officer ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na nasa Jeddah ngayon, sa 37 kaso, 9 dito ay naka-recover na, 23 ang patuloy na nagpapagaling, habang lima na ang namamatay.
Sa kabila nito, sinabi ni Dr. Adel na hindi naman gaanong nakakabahala ang sitwasyon sa Jeddah sapagkat hindi naman aniya ganoon kabilis makahawa ang sakit nito kompara sa SARS na nauso noong 2003.
Pero todo lang pa rin aniya ang paghihipit ng mga Saudi Health Officials upang matigil na ang pagkalat ng virus.
Maging sila sa konsulada ay hindi basta-basta nakakalabas hangga't walang pahintulot ng mga otoridad.
Ang mga nurses na nagtatrabaho sa iba't ibang ospital ay hinigpitan din hinggil sa paglalabas ng anumang impormasyon ukol sa MERS-COV.
Sinisiguro rin na protektado ang mga ito upang huwag mahawaan ng sakit lalo pa't expose ang mga ito.
Hindi lahat ng ospital ay dinadalhan ng mga infected patients at sa halip ay iilan lamang ang itinalagang ospital para dito.
Giit ni Dr. Adel, malabong dumami pa ang mga Filipinong magkakasakit dahil sa MERS-COV kung susunod lamang sa mga preventive measures.
Samantala, kinumpirma rin ng konsulada na magtutungo sa Saudi ang mga tauhan mula sa Department of Health upang personal na alamin ang kalagayan ng mga Pilipino doon.
Subalit muling nagpaalala si Dr. Adel hinggil sa mahigpit na seguridad na pinaiiral ng gobyerno para sa mga dayuhan na nais alamin ang kalagayan ng MERS-COV Sa Saudi.