Sinibak na sa pwesto ang empleyado ng Bureau of Immigration na nakita sa CCTV camera footage na nanakit sa isang Chinese national sa NAIA Terminal 3 noong May 5.
Sa inilabas ng BI, bilang bahagi ng nagpapatuloy nilang imbestigasyon ay hindi muna pinapapasok sa trabaho si Rashid Rangiris, isang contractual employee ng BI Intelligence Division na huli sa CCTV na sinampal at itinulak pa ni Rangiris si Jiang Huixiang makaraang pumalag dahil nais siyang ipa-deport ng Immigration bunsod na rin sa kakulangan niya sa mga dokumento.
Nakita rin sa CCTV ang pagsipa at pagkagat ng Chinese national kay Rangiris at isa pang security personnel na umaresto sa kanya.
Inamin naman ng BI na malinaw na nilabag din ng nasabing Chinese national ang immigration law pero posible naman anilang maharap sa kasong administratibo ang empleyadong si Rangiris dahil sa kabiguang tumalima sa standard operating procedure and code of conduct.