Nakamit ng Philippine Football Team Azkals ang unang panalo nito sa nagpapatuloy na AFC Challenge Cup, makaraang talunin ang Laos, sa score na 2-0, sa laro kagabi na ginanap sa Hithadhoo Stadium sa Maldives.
Ibinigay ni Simone Rota ang unang goal para sa Azkals sa ika-41 minuto ng laro.
Pagsapit ng 63rd minute, isa pang goal ang nagawa ni Patrick Reichelt mula sa corner kick ni Phil Younghusband.
Ito ang unang pagkakataon na tinalo ng Pilipinas ang Laos sa international tournament.
Sampung minuto pa lang na naghaharap sa pitch ang dalawang koponan, binuksan na nina Juani Guirado at James Younghusband ang scoring chances para sa Pinoy dribblers.
Maagang dinomina ng Pilipinas ang laro kung saan ipinakita ni Stephan Schrock ang abilidad nito sa paggawa ng maraming plays at naging katuwang ng striker na si Phil Younghusband sa pagiging attacker.
Napag-alaman na bumalik sa lineup ng Azkals si Younghusband maging ang defender na si Rob Gier matapos masuspinde sa laro kontra Afghanistan.
Dahil sa nasabing panalo at ang scoreless draw sa Afghanistan noong Martes, mayroon na ngayong four points ang Pilipinas at pansamantala ay nangunguna sa Group B.
Ang Top 2 team sa grupo ang siyang aabanse sa knockout stage ng torneyo.
Sa Sabado ay makakaharap ng Azkals ang Turkmenistan sa krusyal na laro.