Libo-libong fans ng British Boy Band na One Direction ang nagpalipas ng magdamag sa labas ng MOA Arena, para makauna sa pila, sa pagbubukas ngayong araw ng bentahan ng tickets para sa concert sa nasabing Boy Band dito sa Pilipinas.
Ang ilan ay alas-9:00 pa lang kahapon ng umaga nakapila na para matiyak na mauuna sa linya.
Mistulang nag-camping naman ang ilan na nagdala pa ng tent para may tulugan.
Hindi lamang mga kabataan ang pumipila na tinaguriang mga One Direction army o masugid na tagahanga ng banda.
Karamihan ay sinamahan ng kanilang mga magulang, lolo o mga kaibigan.
Ilan sa mga maagang pumila ay galing pa ng karatig na mga lalawigan.
Kaugnay nito, isinara ang Pacific Drive ng Mall of Asia Arena bunsod ng mga fans na nakapila.
Umabot ang pila hanggang sa Marina Way para sa VIP na nagkakahalaga ng P17,950 at Diamond tickets na P14,800.
Ang pila naman para sa Titanium ticket o free seating na nagkakahalaga ng P7,450 ay umabot hanggang Diokno Boulevard.
Alas-8:00 ngayong umaga sisimulan ang pagbebenta kung saan 15,000 tickets ang maaring mabili at simula bukas ay mabibili na ito sa mga ticket outlets at online.
Napag-alaman na sa March 2015 pa ang concert ng One Direction dito sa bansa.