Binigyan ng bagsak na grado ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP si Pangulong Benigno Simeon Aquino III kaugnay sa performance nito sa apat na taong panunungkulan sa bansa.
Sa scale na 1- 10, binigyan lamang ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, si PNoy ng gradong 3, para sa performance nito sa pagtugon sa usapin ng ekonomiya, pabahay, land reform at korapsyon.
Ayon kay Pabillo, bagama’t tumataas ang growth domestic product ng bansa ay wala pa rin namang pagbabago sa kalagayan ng mga mahihirap lalo na ang paglikha ng mga trabaho.
Lumitaw sa pag-aaral na hindi bumaba sa 7 percent ang GDP ng bansa bagama’t umaabot sa 12.1 milyong ang mga walang trabaho sa huling bahagi ng taon, at 53 percent o katumbas ng 11.5 milyong pamilyang Pilipino ang kinokonsidera na sila ay mahirap.
Kaugnay nito, iminungkahi ng Obispo sa pangulo para sa susunod na dalawang taon nito sa puwesto na baguhin ang kanyang mga istratehiya.