Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Commission on Elections ang posibilidad na magdaos ng biometric registration sa ilang piling mall sa bansa.
Ito, ayon kay Comelec Commissioner Grace Padaca, ay upang maging mas madali para sa mga senior citizens at mga taong may kapansanan o persons with disabilities na magparehistro at magpa-biometrics para makaboto sa 2016 presidential elections.
Sinabi ni Padaca na sa kasalukuyan ay isinasagawa ang voters’ registration at validation para sa mga senior citizens at mga PWDs sa mga tanggapan ng Comelec.
Gayunman, nakatanggap aniya sila ng maraming kahilingan na kung maaari ay magkaroon rin ng voter’s registration sa mga malls, particular na sa SM, para maging mas accessible at mas kumbinyente ang pagpaparehistro ng mga matatanda at mga may kapansanan.
Tinitingnan na umano nila sa ngayon ang resulta ng senior citizen at PWD registration bago tuluyang magdesisyon kung maglalagay nga ba ng voter’s registration sa mga malls.
Umaasa umano ang poll body na makapagrerehistro ng may isang milyong senior citizen at mga PWDs.
Ang voters registration para sa nalalapit na halalan ay sinimulan noong Mayo 6 at inaasahang magtatagal hanggang sa Oktubre 31, 2015.