Umakyat na sa 169 ang bilang ng mga namatay dahil sa Middle East Respiratory Syndrome o MERS Corona Virus sa Saudi Arabia.
Ayon sa Saudi Health Authorities, pinakahuling biktima ng naturang sakit ay isang 59-anyos na lalaki na namatay noong Linggo sa Western City ng Taif.
Napaulat din na may dalawang panibagong tinamaan ng sakit kung saan isa rito ay sa Riyadh at isa rin sa Jeddah.
Dahil dito umaaabot na sa 531 katao ang kinapitan ng naturang virus.
Ang ibang mga bansa gaya ng Egypt, Jordan, Lebanon, Netherlands, United Arab Emirates at maging ang United States ay nakapagtala na rin ng kaparehong kaso matapos makarating sa Saudi.
Ang MERS ay maituturing na mas mapanganib subalit hindi ganoon kadali makahawa kompara sa SARS virus na tumama sa 8,273 katao sa Asya noong 2003 at siyam na porsiyento sa mga ito ay tuluyang namatay.
Kahalintulad din ng SARS, ang MERS ay nakakaimpeksyon sa baga ng isang tao kung saan dumaranas ito ng matinding pag-ubo, hirap sa paghinga at pagkakaroon ng lagnat.
Subalit ang MERS ay nagiging sanhi rin ng rapid kidney failure.
Samantala, kinumpirma ngayon ng mga health officials sa estado ng Illinois sa Amerika na isang lalaki roon ang nagpositibo sa MERS virus.
Ayon sa Illinois Health Department, nahawaan umano ang nasabing lalaki dahil sa pakikihalubilo nito sa unang MERS patient sa Amerika na mula naman sa Indiana.
Dahil dito, nangangamba ang mga health officials na baka madagdagan pa ang kaso ng MERS.
Gayunman kumikilos na ang local health officials para magamot at tuluyan nang gumaling ang mga pasyente sa nasabing bansa.