Binalewala lamang ng Malacanang ang mga pinapalutang na posibleng pagdawit ni Janet Lim-Napoles kay Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino sa kontrobersyal na pork barrel scam.
Reaksyon ito ni Communications Sec. Sonny Coloma sa naglalabasang impormasyong baka isabit din si Pangulong Aquino sa pork barrel scam.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Atty. Bruce Rivera na tinatapos na ang supplemental affidavit ni Napoles at mas marami pang pangalan ang maidadagdag ng kanyang kliyente base na rin sa mga hawak nitong dokumento.
Hanggang ngayon, hindi mamatay-matay ang mga haka-hakang posibleng nakisawsaw sa iskandalo ang Ehekutibo sa umano'y pagtanggap ng campaign fund ni Executive Sec. Jojo Ochoa mula kay Napoles at ang pagtuturo ni Budget Sec. Butch Abad sa operasyon ng pork barrel scam.
Sinabi ni Coloma, nakatutok ang administrasyong Aquino sa paghahanap ng katotohanan at katarungan kahit na ano pa ang plano at gustong gawin ng ilang indibidwal na wasakin ang buong gobyerno sa pagdawit sa mga opisyal ng pamahalaan sa kontrobersya.
Hinikayat ni Pangulong Aquino ang taongbayan na manatiling mapagmasid at huwag basta maniwala sa ilang personalidad na nanggugulo sa pork barrel scam.
Iginiit ng Pangulong Aquino na determinado ang administrasyong makamit ang katarungan sa pagbuo ng matitibay na mga ebidensya at naniniwala siyang mapapanagot ang mga taong nagsamantala sa kaban ng bayan.