MURCIA - Patay ang isang ama habang sugatan naman ang tatlong anak nito at isang pamangkin matapos nahulog sa tulay ang minamanehong sasakyan sa Brgy. Alegria bayan ng Murcia, Negros Occidental.
Ang biktima ay kinilalang si Eutiquio Villarosa, 41-anyos at residente ng Zone 3, sa nasabing bayan.
Batay sa salaysay ng anak nitong si Erwin, 12 anyos, umaga palang pumunta na sila sa Brgy. Alegria matapos ipinatawag ang ama ng employer nito upang mag-abono ng mga tanim na tubo.
Matapos ang trabaho ay naligo sila at may kaunting inuman kaya lasing ang ama na nagmaneho ng kotse sa kanilang pag-uwi.
Ayon kay Erwin, nakabangga umano sa kahoy ang kotse kaya nahulog sa tulay at dahil sa impact ng pagbangga ay nayupi ang unahang bahagi ng kotse dahilan ng grabeng sugat na tinamo ng kanyang ama.
Sakay umano sa kotse ang kanyang ama, kapatid na sina Alvin na 14-anyos na confine ngayon sa Western Visayas Regional Hospital; si Leovil, 9-anyos, at ang pinsan na isinugod naman sa Rural Health Center sa bayan ng Murcia.
Samantala, hindi naman nagtamo ng sugat sa katawan ang isa pa nitong kapatid na mahigit isang taong gulang pa lamang.