Isang panalo na lang ang kailangan ng San Antonio Spurs upang makamit ang ika-limang kampeonato ng franchise, matapos tambakan ang Defending Champion Miami Heat sa Game 4, sa eskor na 107-86.
Tatangkain ng Spurs na tapusin ang serye sa Game 5 sa Lunes na babalik sa kanilang homecourt sa San Antonio, Texas.
Kagaya ng nangyari sa Game 3, dinomina muli ng Spurs ang laro nitong umaga.
Pinangunahan ni Kawhi Leonard ang opensa ng San Antonio sa kaniyang double performance na may 20 points at 14 rebounds.
Nag-ambag ng 19 points si Tony Parker habang 14 points kay Patty Mills.
Bagama't unang nakagawa ng basket ang Heat, nagtala ng equalizer ang Spurs at hindi hinayaang makalamang ang Miami mula first quarter hanggang matapos ang laro.
Sa first quarter, nagtala ng 13-4 lead ang Spurs matapos ang back-to-back 3-pointers ni Danny Green.
Sa second quarter gumawa ng 13-5 run ang San Antonio kabilang ang putback slamdunk ni Leonard.
Sa pagtatapos ng first half, lamang ng 22 points ang Spurs habang na-boo ang mga manlalaro ng Heat habang papasok ang mga ito sa locker room.
Sa third quarter sinubukan ng Heat na humabol at gumawa ng 12-6 run kabilang ang 10 points ni LeBron James upang maibaba sa 13 ang abanse.
Subalit sinagot ito ng Spurs ng 12-1 run at umabot ng 24 points ang pinakamataas na lamang ng San Antonio dahilan upang lalo pang lumakas ang boos sa Heat players.
Dinala ni LeBron James ang Heat sa kaniyang 28 points subalit walang tulong mula sa mga teammates.
Si Dwyane Wade ay mayroon lamang 10 points habang 12 points naman ang naiambag ni Chris Bosh at si Ray Allen ay nalimitahan sa walong puntos.
Ito ang unang beses na natalo ang Heat sa magkasunod na playoff games simula noong 2012 Eastern Conference finals.
Sa kasaysayan ng NBA, wala pang koponan ang nakabawi mula sa 3-1 deficit sa finals.