Ipinanukala sa Quezon City Council na palitan ang araw ng Independence Day na sa halip na June 12 ay gawin itong August 23.
Ito’y matapos ipanukala ni QC District 1 Councilor Victor Ferrer, Jr. ang panukalang resolusyon na humihiling na gawing August 23 ang pagdiriwang ng Philippine Independence Day sa halip na June 12 dahil sa araw na ito ginugunita ng bansa ang Cry of Pugadlawin.
Ang hakbang ni Ferrer ay bilang suporta naman sa advocacy project ng samahang Pugad Lawin Philippines, Inc. o PLPI hinggil dito.
Nabatid sa PLPI Officers sa pangunguna ng national president nito na si Dominador Alcala na una nang nagpetisyon sa city council sa pamamagitan ni Ferrer na suportahan ang August 23 Advocacy ng grupo, isang kontribusyon para sa pagdiriwang ng Diamond Jubilee o ng ika-75 taong founding anniversary ng QC ngayong taon.
Gayunman, sinasabi din ng grupo na kung magdesisyon man ang Kongreso na imantine ang June 12 bilang pagdiriwang ng Independence day sa bansa, ang August 23 naman ay nararapat na maideklarang isang national non-working holiday at tatawagin ang araw na ito bilang Araw ng Haringbayan o Sovereign People’s Day.
Ang Haringbayan ay mula sa salitang Katipunan o KKK ni KKK Supremo Andres Bonifacio na nangangahulugan ng kalayaan ng bansa.
Ang August 23 campaign ay nagsimula noong nagdaang buwan ng Mayo bilang paggunita sa martyrdom ng Katipunan Supremo Andres Bonifacio.
Sa kasaysayan ng bansa, noong August 23, 1896 kinilala ang Cry of Pugadlawin dahil sa pakikipaglaban ng 1,000 Katipuneros sa pangunguna ni Bonifacio sa paglulunsad ng rebolusyon sa bansa laban sa mananakop na Kastila.