BACOLOD CITY - Patay ang isang kasapi ng Bacolod Traffic Authority Office matapos mabangga at nakaladkad pa ng 10 metro ng isang pick-up sa Brgy. Taculing, Bacolod City kagabi.
Kinilala ang biktima kay PO3 Edmundo Sarad o kilala sa call sign na MC-11 at isang motor-cop ng BTAO.
Dahil sa lakas ng impact ng pagbangga ay tumilapon sa daan ang service firearm at parang lata na nayupi ang motorseklo ng nasabing pulis.
Si Sarad agad isinigud sa isang pribadong ospital dahil sa malubhang sugat na natamo sa kanyang katawan ngunit binawian ng buhay makaraan ang ilang oras na paggamot.
Samantala, nakakulong na ngayon sa Police Station 6 si Antonio Chua, 45-anyos at residente ng City Heights Subdivision na siyang nagmamaneho ng green na Nissan Frontier na may plaka WPR-158 na siyang nakasagasa sa biktima.
Una rito, napag-alaman ay nakabangga ng isang van sa Burgos-Lacson si Chua ngunit tumakas ito. At dahil sa magkahalong kaba, pagkalasing at madilim pa ang daan ay hindi namalayan ng suspek ang nakamotorseklo na si PO3 Sarad na reresponde sana sa aksidente.
Tinangka ring takasan ng suspek ang biktima ngunit nagkaaberya ang makina ng kanyang sasakyan kaya na-intercept ito ng mga pulis at ikinulong.