Ipinabubusisi na ni Bayan Muna Representative Neri Colmenares na imbestigahan ang biglang pagtaas sa presyo ng bigas sa bansa.
Kinukwestiyon ni Colmenares ang pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng milyong metric tons na import rice nitong Enero hanggang Abril na stock para sa lean months.
Hindi rin makapagbigay ng pahayag ang National Food Authority o NFA kung kailan ulit bababa ang presyo ng bigas dahil apektado pa rin ang bansa ng mahabang el nino.
Tiniyak naman ng MalacaƱang sa publiko na pansamantala lang ang P2.00 na taas sa bawat kilo ng bigas.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, hindi maiwasan ang nasabing price hike dahil sa “market forces.”
Bagama’t patuloy namang mino-monitor ng NFA at ng Department of Agriculture ang galaw ng supply at demand.
Sinabi ni Coloma na kampante naman ang NFA at DA na kapag nagsimula na ang planting season ay babalik din sa regular ang presyo ng bigas.
Sa kalagitnaan ng Setyembre naman inaasahang babalik sa dati ang presyo ng bigas.
Bukod sa presyo ng bigas, muling sumirit ang presyo ng asukal sa ilang pangunahing pamilihan.
Ayon sa Sugar Regulatory Board o SRA, P2.00 piso ang itinaas ng presyo ng kada kilo ng asukal bunsod ng mas mataas na farm gate price ng naturang produkto sa mga nakalipas na buwan.
Gayunman, nilinaw ng SRA na ang nabanggit na presyo ay pasok pa rin sa suggested retail price na P50 pesos kada kilo sa mga pampublikong pamilihan.
‘Di pa man nalulutas ang price hike sa bawang, bigas ay panibagong dagok naman ang haharapin ng sambayanan dahil sa pagsipa sa presyo ng asukal sa bansa.