Itinanghal na kampeon ang San Antonio Spurs sa 2013-2014 Season ng National Basketball Association o NBA matapos tambakan ang Miami Heat sa Game 5, sa eskor na 104-87, na ginanap sa kanilang homecourt sa San Antonio, Texas.
Mula sa maagang 16-point deficit, unti-unting humabol ang Spurs. Naibaba ito sa 7-point lead sa pagtatapos ng first quarter, 29-22.
Pagpasok ng second quarter, patuloy na lumalamang ang Heat ngunit apat na minuto ang nalalabi bago magtapos ang first half, lamang na ang San Antonio sa 3-point shot ni Kawhi Leonard. Nagtapos ang first half na lamang ang Spurs ng 7 points, 47-40.
Sa third quarter, umabot pa sa 21 points ang lamang ng Spurs at hindi na nakahabol pa ang Miami.
Pinangunahan ni Leonard ang San Antonio sa kaniyang double performance na may 22 points at 10 rebounds.
Hindi umubra ang double performance ni LeBron James sa kaniyang 31 points at 10 rebounds, para makuha ang inaasam ng Miami na 3-peat.
Ito na ang ika-limang NBA title ng Spurs matapos manalo noong 1999, 2003, 2005 at 2007.
Ang masaklap na pagkatalo sa kamay ng Heat noong nakaraang taon, ang nagsilbing inspirasyon ng San Antonio para makaganti.
Sa Game 1 ay tinambakan ng Spurs ang Heat sa kanilang homecourt. Subalit ang Game 2 ay nasilat ng Heat pero bumawi naman ang Spurs sa Game 3 at Game 4 matapos ipahiya ang Miami sa kanilang homecourt.
Sa Game 5 sa harap ng kanilang libu-libong fans, tinapos ng Spurs ang serye at emosyunal habang itinataas ang Larry O'Brien trophy.
Itinanghal naman na Finals MVP si Kawhi Leonard na siyang nagdala sa panalo ng Spurs simula noong Game 3.