Ginulat ng San Antonio Spurs ang defending champion Miami Heat matapos tambakan sa Game 3 ng NBA Finals sa eskor na 111-92.
Gumana ng husto ang magandang opensa ng Spurs na sa first half pa lamang ng laro ay nagtala na ng record sa NBA Finals history bilang “best shooting half.”
Naipasok kasi ng Spurs ang 19 na tira sa 21 pagtatangka.
Ang dating may hawak na record ay ang Orlando Magic na nagawa noon pang taong 2009 laban sa Los Angeles Lakers na may 75 percent best shooting record.
Umulan ng puntos mula sa forward na si Kawhi Leonard na umabot ng 16 points sa first quarter pa lamang at sa kabuuan ay nagtapos siya ng 29 points bilang leading scorer ng Spurs.
Sinasabing naging malaki ang tulong ni Leonard sa panalo ng team dahil sa mas mababang performance sa opensa nang tinaguriang “big three” ng Spurs na sina Tony Parker na may 15 points, Tim Duncan na may 14 points lamang, habang si Manu Ginobili ay may kabuuang 11 points.
Sa panig ng Miami parehong may tig-22 points sina Lebron James at Dwayne Wade.
Kapansin pansin na maraming turnover ang Miami na umabot sa 20 beses kumpara sa Spurs na 12 lamang.
Sa Biyernes tatangkain ng Miami na maitabla ang serye na gagawin muli ang Game 4 sa kanilang homecourt pa rin.