Tuwing ika-12 ng Hunyo ay ipinagdiriwang ng Pilipinas ang kalayaan o kasarinlan bilang isang bansa.
Ngayon ngang taon ay anibersaryo na ng pagdiriwang ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na dayuhan.
Matatandaang unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa Kawit Cavite at binigkas ang pambansang awit bilang simbolo ng kalayaan.
Ngunit ang kalayaang natamo ng mga Pilipino sa pangunguna ni Emilio Aguinaldo laban sa mga Espanyol ay pansamantala lang pala dahil di naglaon ay mga Amerikano naman ang sumakop sa bayan.
Pinamahalaan ng mga Kano ang mga Pilipino at itinuro ang mga ideyolohiyang maka-demokrasya.
Masasabing naging mabuti naman ang pamamahala ng mga Amerikano. Hindi nagtagal ay sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na nagbigay-daan sa malupit at mapaniil na pamamahala ng mga Hapones.
Makalipas ang ilang taon ay bumagsak ang Imperyalistang Hapon at tuluyang nagwakas sa kanilang pananakop.
Tuluyan na ring naging malaya laban sa mga dayuhan ang bansang Pilipinas.
Sinasabing ang Pilipinas ay isang maunlad na bansa ng panahong iyon at pumapangalawa sa bansang Hapon sa kaunlaran.
Makalipas lang ang ilang taon ay muling nawala ang kalayaang ipinaglaban ng mga Pilipino dahil sa mismong kababayan ay nadama ang isang pamumunong diktador sa kamay ni Pangulong Marcos.
Kapansin-pansin ang hindi ganap na paglaya ng mga Pilipino dahil agad itong nauudlot.
Ngayong taon ay muling ipinagdiriwang ng bansa ang ating kalayaan.
Mahalaga ang taunang pagdiriwang na ito dahil muli ay naipapamulat sa kapwa nating Pilipino ang kahalagahan ng kalayaan. Kung papanong ito ay pinaghirapan ng ating mga ninuno upang makamit ay nararapat lamang na ito ay pangalagaan at ingatan.