Malakas ngayon ang demand sa world market kaya napakataas ang international market price ng liquified petroleum gas o LPG.
Sinabi ni LPGMA Partylist Rep. Arnel Ty, pangunahing malakas ang demand ng LPG sa Estados Unidos, Japan,China at mga bansa sa Europe.
Bago aniya ang kanilang pagtaas sa presyo ng LPG bukas ng Linggo ay nakipag-ugnayan muna sila sa Department of Energy o DOE para tanungin kung ano ang puwede nilang gawin para mabawasan ang impact ng mataas na increase na P13 bawat kilo ng LPG.
Dagdag ni Ty na dahil sa Oil Deregulation Law ay hindi puwedeng kontrolin ng DOE ang presyo ng langis at LPG sa pamamagitan ng pagbraso sa mga kompanya ng langis.
Nangangamba rin aniya si Energy Secretary Jericho Petilla na kapag utay-utay ang pagtaas ng presyo ng cooking gas ay posibleng magkaroon ng kakulangan ng supply kapag hindi maglabas ang mga oil company.
Binanggit pa ni Ty na sa budget hearing sa Kamara ay natalakay ang pagsusulong ng amiyenda sa ilang probisyon ng Oil Deregulation Law para muling magkaroon ng kapangyarihan ang gobyerno na maibsan ang epekto pagtaas ng presyo ng langis at LPG.
Sa ngayon aniya ay hindi kayang makipag-kompetensiya ang mga small oil players dahil 90 percent pa rin sa market ang hawak nang tinaguriang "Big 3" habang 10 percent lamang sa mga small players.
Dapat aniyang bigyan ng suporta ng pamahalaan ang mga small oil players tulad ng pagkakaloob ng tax holiday at incentive para mas marami pa ang mahikayat na maglagay ng kanilang service station sa iba't ibang lugar sa bansa.
Gayundin, para makamit ang layunin ng deregulation law na magkaroon ng malakas na kompetensiya na magreresulta sa pagbaba ng presyo ng langis.
0 comments:
Post a Comment